Buhay Call Center

Dati nung college pa lang ako, pinagtatawanan ko ang mga nagtatrabaho sa call center. Sabi ko pa, kahit kelan hindi yun ang magiging kapalaran ko. Hindi ko naman kasi alam kung anong ibig sabihin ng ‘call center’. Sa pagtatanung-tanong ko, nalaman ko na sasagot ka ng telepono na parang operator. Sabi pa nila, yun daw ang bagsakan ng mga hindi nakatapos ng pag-aaral, yun daw ang bagsakan ng mga walang mapasukang trabaho at yung mga gusto ng part-time jobs. Kahit pa nga daw anong course mo sa college, okay lang. Hindi kasi yun isang propesyon. Panalo ka lang sa sweldo dahil malaki daw kumpara sa mga ordinaryong opisina. 

Pero sabi nga, digital na ang karma ngayon. Dahil lahat ng sinabi ko sa taas, sapul ako. Hindi ako nakatapos. Konti na lang sana, mamartsa na ako. Pero isinuko ko ang SP (special problem) ko. Hindi ko kasi maintindihan kung paano tatapusin. Madaming nagsasabi na kaya ko daw yun. Kung kaya ko eh di sana natapos ko. Ang hirap nga eh, lalo na pag ayaw mo naman talaga ng kursong yun. Mahabang istorya kung bakit ko pinili yun at bakit hindi ako nag-shift sa ibang kurso. 

Dahil fourth year college naman na ako nung tumigil ako, kahit papaano malakas ang loob ko na magkakaroon ako ng matinong trabaho. UPian pa ko. So may edge na ko, ika nga. Pero hindi rin, dahil diploma ang kalaban ko. Nagsimula ako magtrabaho sa isang electronics company bilang Quality Specialist. Sa baba ng sweldo, pangbayad lang yun sa upa sa bahay, kulang pa. Tapos naalala ko, meron nga palang tinatawag na call center. Sa ayaw at sa gusto ko, kailangan ko makipagsapalaran sa larangan na iyon. 

So ayun, isang araw nasa Makati ako. Nakatira ako pansamantala sa apartment ni Kaye (high school at college friend ko). Base sa mga nabalitaan ko, halos iisa lang ang proseso ng bawat kumpanya ng call center. Initial interview, exam, tapos final interview. Una kong pinuntahan ang IBM Daksh.  Swerte, natanggap ako. Una, nagtraining muna kami sa pagsasalita ng English. Mahirap pala. Akala ko dati basta nakakapagsalita at nakakaintindi ng English, okay na. Hindi pala. Dapat yun tunog Pinoy, mawawala. At dapat, perfect ang pakakapronounce sa mga salita. Pagkatapos ng training, mababakante ako ng mahigit isang lingo kasi hihintayin pa ang skedyul ng Product Training. Yun yung training ng magiging trabaho ko. Dahil ayaw ko mabakante, nakipagsapalaran ako sa PeopleSupport. Natanggap na naman ako. Biruin mo yun! Kalahating taon din ako nagstay dun. Madami akong naging mga bagong kaibigan. Pagkatapos nun, palipat-lipat na ko. Bumalik ako sa IBM, lumipat sa Sutherland at tumagal ng halos dalawang taon. Pumasok din ako sa 24/7 ng tatlong buwan hanggang sa nagdesisyon ako na hindi ako talaga masaya. Sa ngayon, first time kong umalis sa Makati. Nasa bagong kumpanya na naman ako, sa Eastwood naman ngayon. Umaasa ako na ito na ang huli. Masaya na kasi ako sa mismong trabaho at sa mga tao. 

Eto ang mga natutunan ko sa call center: 

  • Matatalino ang mga tao. Galing sa iba’t ibang lugar, iba-ibang istorya sa buhay.  May mga nakatapos ng college, merong hanggang second year lang. Magkakaiba ng course. Wala pa akong nakikilalang bobo.
  • EOP. English Only Po. English Only Pala. English O Pilipino. English Only Policy. Bawal mag-Tagalog. Kasi nakaka-offend sa mga foreign clients. Tsaka naririnig sa kabilang linya ng telepono. Kaya huwag kang magtataka kapag may accent na ang mga tao, kala mo balikbayan.
  • Madaming mahilig magbasa ng libro. Dito ako nakakahiram ng magagandang libro. Pati na din mga movies. Mabilis silang maka-impluwensya.
  • Kape.  Kahit hindi ka nagkakape, mapapakape ka. Madalas sa mga kumpanya may free vendo. Kape na iba-ibang timpla, pati na din Milo. Sa kumpanya ko ngayon walang vendo pero yung boss namin bumili ng madaming 3-in-1 coffee kaya libre pa din.
  • Yosi. Parang kape din, kahit di ka nagyoyosi, mapapayosi ka. Pangtanggal ng antok, pampalipas ng oras. Majority kasi ng call center population mga sunog-baga. Kapag nakita mo ang mga teammates/friends mo sa lung center, tatlo ang options mo. Makibuga ka ng usok, bugahan ka ng usok o magmukmok sa malayo.
  • Bampira. Depende sa account, marami ang nagiging bampira. Hindi naaarawan. Kapag Australian ang account, normal ang buhay. Kapag British, kalahating normal. Kapag American, abnormal na. Baligtad ang mundo. Gigising ka sa oras na matutulog na ang mga normal na tao at uuwi ka kapag papasok na sila sa school o sa trabaho. Minsan nakakailang kapag halos lahat ng kasakay mo sa jeep mga presko pero ikaw haggard na.
  • Inuman sa umaga. Inuman habang sumisikat ang araw. Hanggang tanghali.
  • Pizza party. Kapag gumraduate sa training, kapag may birthday, kapag maganda ang stats.
  • Call Center Love Affair. Madaming relasyong sumisibol, relasyong nasisira at relasyong extended.                            

Sumisibol – dalawang single, nagkita, nagkakilala, nagkainlovean.  Nasisira – may bf/gf sa labas, nakakilala ng iba sa loob, iniwanan ang karelasyon para sa co-agent nya.  Extended – may asawa na, feeling binata/dalaga, kumuha ng kabit na kasama sa operations.

  • Kaibigan.  Dahil hindi tumitigil ang pag-hire sa mga tao, halos lingo-linggo may mga bagong mukha kang makikita sa operations floor. Mga bagong kakilala at pagtagal ng konti, nasasabihan mo na ng mga problema mo, nakaka-appreciate ng ugali mo. 

Minsan nakakapagod na mag-take ng calls. Lalo na pag mahirap kausap ang customer mo. Pero matututo ka maging pasensyoso at mag – isip ng malalim. Lahat ng tatawag sa’yo may problema, ke mababaw o out of this world. Ang trabaho mo ay lutasin ‘yon. Umaasa sila sa’yo. Sa totoo lang, mahirap ang buhay call center. Bilang ang bawat minuto mo. Importante ang adherence. Ang AHT, o kung gaano ka katagal makipag usap sa customer. Madami pa kasi nag aantay sa linya na makausap ka. Pero masaya, walang kasing saya. Yung mga team buildings, yung mga activities like sportsfest, singing contests, dance contests, gay contests, etc. Parang nasa school ka lang. 

Karma is digital at masaya ako na nakarma ako. Masaya ako na dito ako bumagsak, sa call center.

20sep09

2 Responses so far »

  1. 1

    chyng said,

    Nasabi ko din yan sa sarili ko “hinding hindi ako mag-apply sa callcenter company”. And now, pareho tayong nasa industry! haha Lucky me mahina ang tenga ko so di ako pwede magtake ng calls, sa sysdev team ako napunta, pero gaya mo, sa callcenter din ako! Cheers!

  2. 2

    neil dalanon said,

    ang haba ng post na to pero binasa ko mula umpisa hanggang dulo. kahanga-hanga ka. pero sana, makapagtapos ka rin. sobrang sarap ng feeling kaya pag me nakasabit na sablay dyan sa balikat mo. 😉


Comment RSS · TrackBack URI

Leave a comment